Friday, December 7, 2012

Cookies

nomnomnom
Chips Ahoy! Chocolate Chip Cookies

                 Isang karaniwang makikita sa mga mesa kapag pasko ng isang plato nito at may kasama ring gatas. Sa mga pelikula at sa telebisyon, nakikita rin ang mga bagong gawa na linalabas sa oben. Puno ng amo ang kusina kapag bagong gawa sa isang bahay – isa itong plato ng mga chocolate chip cookies. Bilog ang kanilang pagka-anyo. Pag tinignan mo ng mabuti, makikita rin na hindi makinis ito, at maraming biyak. Meron ring mga maliliit na piraso ng tsokolate na nakakalat at inilagay sa loob nito.

                Dahil hindi siya ganoong kalaki, madali siyang kunin sa plato at simulang kainin. Pagkagat mo, nararamdaman mo na nadudurog ang cookie sa loob ng bibig mo. Magiging parang pulbos ito, habang natutunaw ang mga pirasong tsokolate sa dila mo. Pagkatagal mo sa pagkain nito, magiging malagkit narin bago dumulas ito sa lalamunan na papunta sa tiyan.

                Mahilig ang mga tao sa lasa nitong matamis na hindi nakakasuya. Ang na-uunang lasa ay ang dough ng cookie, na may kaunting tamis at malalasahan na parang tinapay ang pampaalsa at harina na ginamit para dito. Pero pagkatapos nito, ang nangingibabaw na lasa ay ang lasa ng tsokolate. Hindi niya pinupuno ang bibig mo dahil maliit lang siya – pero dahil iba ito sa lasa ng dough na sa ngayong lumalagkit na sa dila mo, nasa isang particular na lugar ang lasa ng tsokolate. Dahil sa mga proporsyon ng dough at ng mga tsokolate, nababalanse ang paghalo ng parehong lasang ito.

                Mula pa nang bata ako, mahilig na ako sa mga cookies. Ibinabaon ko palagi sa eskuwelahan para sa recess, at kinakain ko kapag merienda sa bahay kapag walang pasok sa araw na iyon. At marami rin akong ala-ala na nakakabit sa mga ito.

                Noong tag-araw ng taong 2010, may isang nangyari sa buhay ko na hindi ko makakalimutan. Nakakilala ako ng isang kaibigan, at hanggang ngayon isa siya na pinaka-importante kong kaibigan. Mahaba ang kuwento kung paano ito nangyari, at ang mga nangyari pagkatapos dito. Pero naalala ko ang iba sa mga una naming usapan sa Yahoo! Messenger.

                Sinabi ko na isa akong ninja. Napatawa siya, pero nakisali rin siya. Sinabi niya isa siyang sundalo. Noong araw na iyon, nagkukunwari kaming naglalaban sa Y!M, pero ang mga gamit ko na parang ang throwing stars ng mga ninja ay cookies. Mula noon, ang isa kong palayaw sa kanya ang “The Cookie Ninja.”

                Ayaw kong masyadong magbigay ng detalye – pero nag-ibigan rin kami. Umabot ng isang taon at tatlong buwan. Noong kami pa rin, sumulat siya tungkol sa akin para sa isang sanaysay sa klase ng Ingles. At “The Cookie Ninja” ang pamagat nito. At kahit tapos na ang nangyari sa amin, importante parin sa akin ang itong palayaw dahil noong tag-araw na iyon, marami akong natuto tungkol sa aking sarili, at ang aking mga pangarap. Noong una, masakit nung tinapos namin ang relasyon, pero natutunan rin akong tumayo sa aking sariling mga paa. At nakatulong rin ang pagkain ng mga cookies sa mga gabi nung naalala ko ang mga nangyari. Pero pinili ko na sa akin parin ang tawag ng mga tao na “The Cookie Ninja.” Dahil galing sa akin ang aking identidad – hindi galing sa isang relasyon.

                Kung gayon, gusto ko ang cookies kasi nararamdaman ko na may magkapareho ako dito – isang hindi organisado sa pagkalat ng mga tsokalete, isang taong may mga biyak rin dahil hindi perpekto, at maari ring madurog – pero sa kabuuan, masarap parin sila. At masarap rin ito kapag may kasamang gatas – pero hindi naman sa gatas ang dahilan kung bakit mahilig paring kainin ito ng mga tao.

                Gusto ko ang cookies dahil ako ay isang cookie ninja.


Sunday, November 18, 2012

Amablogger

Ang isang stasyon ay isang lugar kung saang maraming puwedeng kuwentong mangyari at makita bawat araw. Isang araw sa Nobyembre, Nobyembre 14, 2012, dumaan si Gregory Paulo Llamoso sa MRT at nakakita ng dalawang taong nag-aaway. Nilabas niya ang kanyang cellphone at kinunan ito, dahil iyon naman talaga ang tamang gawin - hindi naman iwanan nalang sila para sa kanilang dalawa nalang ang gulo, o kaya tulungan sila - kasi sayang naman.

Nakakatawa naman ito, o kaya nakakainis. Pero kahit sa anong dahilan, inisip ni Gregory na ilagay sa internet ang kinuhang video. Maraming taong nakanuod nito. Maraming taong gustong ipanuod sa iba - at sa kaunting oras kumalat na. Naging balita ito na parang breaking news. Kahit mayroong iba namang nangyayari sa mundo, kahit mas malaki ang gulo sa ibang mga lugar - ito nalang ang papansinin ang tao. Hindi lang sapat ang pansinin - kailangan marami ring magalit.

Ang dalawang tao sa video: si Paula Salvosa at si Sharon Mae Casinas - isang estudyante at isang lady guard. 

Makikita sa video na sinisigawan ni Paula si Sharon Mae at pinapahiya. Nakilala rin siya sa kaniyang pagsigaw ng "I'm a liar" na ginawang "Amalayer" ng mga tao. Sa mga nilabas na kuwento sa balita, sinasabi ni Paula na sinaktan muna siya ni Sharon Mae kaya siya napasigaw ng ganun.Sinasabi naman ni Sharon Mae na wala siyang ginawa - sinabi lang na ipa-scan ang laman ng kanyang bag.

Parang teleserye lang and drama dito sa grabe ng galit ni Paula, na iisipin mo kung ano talaga ang away. At parang teleserye lang na pinanuod ng mga tao. Hanggang ngayon, hindi parin ganoong kalinaw kung ano talaga ang nangyari, pero magagalit parin ang marami. Hustisya raw ang paggalit nila.

Ang iba naman, makikisama lang sa galit ng iba. Pagtatawanan ang Ingles at Filipino niya. Makikaway rin. 

Para sa akin, ang talagang mahahanap na kuwento dito ang hindi kina Paula at Sharon Mae- kundi sa mga reaksyon ng lahat ng taong nakakita ng pangyayaring ito. Sa dating panahon, hindi naman maiisip na balita talaga ang isang away kagaya nito, at grabe naman ang mga tao dahil nagiging biktima na ng cyberbullying si Paula. Ang maaring isipin muna ng tao ay dapat malaman muna ang parehong panig bago mauna sa panghuhusga ng mga tao. Medyo nakakalungkot na nagiging katatawan nalang ang mga pangyayari na ganito, kasi marami namang taong nagkakamali - minalas lang si Paula na nakunan ito sa isang cellphone, at hindi nakuha ang nangyayari bago dito, kaya hindi rin malaman kung totoo ang sinasabi niyang dahilan sa paggalit niya. Baka may dahilan siya sa paggalit niya. O baka masama lang yung araw niya noong araw na iyon. O baka sheesalayer at wala talagang nangyari, at bastos lang talaga siyang tao. Pero grabe ang media dito - umaasa sa paggawa ng teleserye sa balita.

Mga Pinagkunan:

http://www.gmanetwork.com/news/story/282717/news/metromanila/amalayer-girl-seeks-face-to-face-with-lrt-guard

http://www.gmanetwork.com/news/story/282308/scitech/socialmedia/girl-in-viral-amalayer-video-speaks-up

http://www.youtube.com/watch?v=i_bNVcyPK9g