Thursday, March 14, 2013

Numero at Titik.

Mahirap alamin ang ibig-sabihin ng isang grado o marka sa klase. Minsan kasi, hindi talaga nagiging pantay ang sukat ng hirap ng gawa ng isang estudyante at ang mga nakukuhang niyang puntos sa isang proyekto o pagsusulit. At sa totoo lang, hindi rin ito isang sukat ng talino ng isang tao. Pero kung iisiipin ko ang aking grado sa Fil 12 sa pagitan ng isang balanse bilang sa aking binigay na pagsisikap at sa aking mga nakuhang marka sa iba't ibang gawain, iniisip ko na tama lang na makuha ko ang isang B o B+.

Katulad ng sinabi ko at kinuwento ko sa aking pagmumuni-muni, kahit dati pa ay nahirapan na akong mag-tagalog. Pero dahil dito, sumisikap ako sa pagsulat para mas lumalalim ang mga sinasabi ko sa mga sanaysay, blog-post, at kahit kapag nakikilahok ako sa klase. Ang wika ay isang gamit o isang kasangkapan para mahiwatig ang mga iniisip at pananaw ko bilang indibidwal na tao. At sa klaseng ito, napalalim ang aking pagpapahalaga sa wikang Tagalog.

Nagsikap ako sa aming Pakitang Gilas, sa aking mga blog-post, at gumagawa ako ng oras para sa lahat ng klase ng Filipino kahit minsan umaabot ang mga ito sa gabi. Naka-perfect attendance ako noong sem na ito dahil alam ko kailangan ko ang paghabol ng one letter grade up, kasi isa itong oportunidad na kailangan ko.

Alam kong hindi ko nagawa ang lahat ng mga bonus na blog entry, kaya hindi ko masasabing talagang naghabol ako para sa isang A. Para sa akin, ang isang A ay grado na reserbado para sa mga estudyanteng naghirap at nilampasan ang mga kakayahan nila. Kaya lang, mataas rin ang tingin ko sa isang B+ at B dahil isa itong marka ng isang estudyanteng ginawa ang kaya niya para umabot ng kailangan sa klase.

Nagkamali ako ng dalawang beses para sa mga pagsusulit sa klase; ang isang sanaysay, nabasa ko dalawang linggo bago sa pagsusulit kaya hindi ko na ito naalala. Ang isa naman, mali ang nabasa ko. Inaamin ko na mahirap kong intindihin ang mga babasahin at hindi ko palaging naalala ang mga detalye pero sinusubukan ko paring tapusin ang mga ito at magmarka ng mga detalye na baka lumabas. Tinignan ko rin kung paano ko ito maiuugnay sa aking buhay.

At dito ang paniniwala ko na karapat-dapat parin akong makakuha ng isang B o B+ kahit sa minsan na pagkakamali ko sa mga pagsusulit o kahit katawa-tawa ang aking gramatika sa Filipino - dahil tinignan ko sa lahat ng mga bagay, gawain, at aralin kung paano ko ito magagamit sa aking buhay o kung paano makakabuti sa akin bilang isang tao. Dahil kahit ano mang mangyari sa aking mga karanasan sa kolehiyo, importante ang mga natutunan ko na maalala ko kahit pagkatapos ng aking pag-aral sa isang eskuwelahan.

Lampas pa sa mga numero at titik, nakuha ko ang isang pagpapahalaga ng isang wika na kahit nahihirapan ako at hindi ko palaging maintindihan, alam ko pa rin na mahalaga ito sa aking buhay. At ito naman para sa aking ang layunin ng isang klase sa Filipino. Para bigyan ang isang estudyante ang isip ng kahalagahan ng pagpapahayag ng mga malikhain at kakaibang ideya sa kanilang sariling wika.

Wednesday, March 13, 2013

Personal na Personal


Dahil wala akong masyadong panahong magbasa ng mga sanaysay na ito(at napakabagal kong magbasa ng mga tagalog), kaunti lang ang mga oportunidad na nakuha ko para magbasa. Pero sa mga dito, ang nagustuhan ko ang isang sanaysay: ang Flores de Mayo ng mga Maton.

Kakaiba ang paksa nito tungkol sa Flores de Mayo, at naugnay ni Rene Villanueva ito sa kanyang buhay ng maayos, lalong lalo na sa katapusan kung saan nalaman ko bilang mambabasa na tatay pala niya ang isa sa mga maton doon. Pinakita ito ang isang hindi inaasahan ng tauhan ng kanyang ina sa kanyang mapapangasawa. Natuwa ako dito; dahil marami rin naman talaga sa buhay ay hindi mo maasahan o mahulaan bago mangyari.

Boses ng Mga Babae

Sa panahong ito, mas malaya na ang mga babae para sabihin ang kanilang gustong sabihin. Ang isang paraan kung saan nasasabi nila ang mga opinyon ay sa mga diyaryo at iba't ibang anyo ng media.

Noong Peb. 21, pumunta kami sa isang talk tungkol sa mga babae sa media ngayon. At nalaman namin na mahirap ang isang buhay ng manunulat. Ang palaging nagiging problema sa isang manunulat ang kung paano ibabalanse ang gusto nila bilang katotohanan at ang problema na mahirap kasi maraming puwedeng magalit.

Delikado ang buhay ng isang journalist na gustong sabihin ang totoo at ipalaman ito sa lahat. Kadalasan kasi ayaw marinig ng mga tao ang totoo kasi baka may masaktan. Ang isang halimbawa rito ay ang mga tabloid o tungkol sa mga artista. Maraming artista ang nagagalit sa mga patnugot dahil sinisiraan daw sila, at sa mata ng masa, ang kinakampihan nila ang mga artista bago ang mga manunulat na hindi nila kilala. Sanay na sila sa mga mukha ng artista; sa mga nakuha nilang papel at tauhan sa mga paborito nilang pelikula at palabas sa telebisyon.

Minsan, sa isang kapaligiran na pataasan kagaya ng journalismo, mahirap makalabas ng mga kuwento na gustong basahin ng mga tao. Maliit na nga ang bayad mo, at mataas pa ang probabilidad na masira pa ang reputasyon mo - at dito ako napapahanga sa mga babaeng ito na kaya nilang magsulat ng iniisip nilang dapat isulat.

Malaking problema ang censorship ng media ngayon - dahil nagiging tungkol sa pera at kung ano ang bebenta kesa sa kung ano ang kailangan ilabas - minsan rin nagiging tungkol sa kung ano-anong bagay nalang ang mga balita kesa sa mga nangyayari sa iba't ibang parte ng bansa. Ang isang kuwento tungkol sa amalayer ay naging breaking news kahit ang dami pang mas importante ang nangyayari na baka hindi nalaman ang mga tao.

Pero para sa akin, noong parte na ng Q&A, may nagtanong kung paano naapektuhan sila sa kanilang trabaho dahil babae sila. At natuwa naman ako na sinabi nilang hindi sila masyadong naapektuhan dito, at isa itong pag-asa para sa bansang Pilipinas, na ang layo na ng narating natin sa perspektibo ng kasarian. Dati kasi ang iniisip na dapat gawin o dapat maging ang mga babae ay dapat mahinhin at tahimik sila; hindi nga dapat sila puwedeng mag-aral ng kolehiyo at dapat nasa bahay lang at nagluluto. Kaya lang, kung tignan mo ang modernong panahon, may oportunidad na ang mga babae para magkaroon ng isang boses, kung saan tinitignan sila bilang isang tao at isang manunulat bago isang babae. Kahit mahirap man ang buhay dito, mataas ang respeto ko para sa mga babaeng ito na nakakapag-labas at nakakapaglaban sa mga pinaniniwalaan nila.

Saturday, March 9, 2013

Hopeless Romantic



Mahilig akong magbasa para makalimutan ang realidad - pero hindi ko nagustuhan ang binasang kong Hopeless Romantic ni Roma Borromeo. Hindi rin naman sa ayaw ko ng mga kuwento tungkol sa pag-ibig - pero marami akong nakita dito na nainis ako sa pagkasulat.

Unang una kong napansin - sinulat ito sa taglish. Hindi man lang taglish na kaunting salita lang ang pinalit - buong pangungusap niyang sinulat sa ingles at iba naman bigla nalang naging tagalog uli. Napaka-labo ito sa pagbasa sa isip ko na parang hindi sigurado ako sa boses ng awtor.

Pangalawa - napaka-babaw ang pagkatao ng pangunahing mga tauhan sa kuwento. Una si Rena - isang manunulat sa kanyang patnugot na parang masungit hanggang makilala mo siya. Maganda ito at maraming hindi kaya siyang kausapin. Pero hindi naman natin malalaman ang kanyang kuwento - kung bakit siya masungit, o kaya kung bakit may hilig siya sa pagsulat, o kung paano siya kapag kasama niya ang mga kaibigan niya sa araw-araw. Wala akong pakiramdam na nakilala ko ang isang tao at may pakealam ako kung ano ang mangyari dito. Sa mga binabasa kong libro, importante sa akin na parang tao talaga sila dahil sa kanilang pagsulat.

Pero dito naman si Ej. Pagpasok niya - malalaman nating marunong siya mag-basketball. Magaling rin siya sa kanyang akademiko dahil iskolar siya. Nagbabasa ng diyaryo kaya may alam sa nangyayari sa mundo. Marunong siyang magsulat at gumuhit. At hindi man lang siya mayabang o masungit sa ibang tao - mabait siya. At ang pinaka malapit na meron siyang isang hindi perpekto sa pagkatao niya ay ang kanyang pagiging torpe.

Walang klaseng lalaki na ganito sa totoong buhay.

Ang kuwento naman nito ay nagpakita ang problema o ang sakit ng isang babaeng naghihintay - pero para sa librong ito, biglang nagpakita nalang si Ej noong umiiyak na si Rena at ang totoong dahilan kung bakit bigla nalang siya nawala? Meron siyang Leukemia at nilaban niya ito para makabalik siya kay Rena.

Kaya malalaman rin natin isa pa iyang magaling si Ej -sa paglaban ng mga nakakapatay na sakit.

At dahil isa itong romance novel - isa siyang masayang pagwakas kung saan nagkatuluyan sila. Sinabi na nga sa simula ng isang tricycle driver na bagay sila dahil pareho ang kanilang taas.

Siyempre, dito dapat ang mga base ng kung sino ang magkakatuluyan.