Nagbabago na ang tingin sa mga homosexual sa panahong ito. Mas
tinatanggap na sila dahil sa maraming mga sikat na gay icon sa media kagaya ni
Vice Ganda. Dahil dito, importante ring suriin kung paano nagbabago ang pagpapakita
sa kanila sa mga pelikula, lalung lalo na sa mga pelikulang indie.
Ang mga indie film ay ang tawag
sa mga independent film dahil hindi
sila pinalabas ng isang film producer na kumpanya. May pagkakaiba ito sa mga mainstream na pelikula dahil madalas na
iba ang mga layunin nitong dalawang klaseng pelikula. Ang mga mainstream ay mas madalas na ginagawa na
iniisip kung paano kikita ng pera ito. Dahil kailangan nitong aprubahan ng mga film producer,
mas madali ang ipagsensurahin ang mga ito, o hindi nagpapakita ng mga
radikal na ideya kung saang ibang-iba sa mga paniniwala ng marami. Ito ang
dahilang kung bakit iniuugnay ang mga indie
film sa artistic expression: kasi independent sila, mas indibidwal ang
ekspresyon ng pananaw tungkol sa mga napapanahong isyu sa lipunan. Isa dito ay
ang pagsuri ng iyag at kasarian: ang pagpapakita ng mga bading.
Mayroon ring ebolusyon ang mga indie
film at ang mga imahen ng bading na makikita rito. Nagsimula ito na kaugnay sa
dating konserbatibong tingin sa kanila: isang problema ang pagiging bakla, at
sa dulo ng kuwento magiging “totoong lalaki” na sila. Sinusunod rin nito ang
stereotype na isang klase lang na homosexual na meron: mahinhin at pambabae ang
pagkilos at paggalaw nila. Nangyari ito noong mga taong 1954 hanggang 2000.
Pero paglipas rin ng panahon, nagsimula
ang pagbabago ng tingin ng lipunan sa mga bading. Dumami ang taong nagkumpanya
para sa mga karapatan nila at para sa pagtanggap sa kanila. Nakita rin itong
pagbago sa mga pelikula sa Pilipinas, kung saan mas marami ng imahen ng bading
ang lumabas: hindi lang isang paglalarawan na tinatawag na flaming gay ang pinapakita, kundi ang mga bading na puwedeng batak
o tahimik. Ito yung panahon ng New Cinema,
sa mga taong 1970 hanggang 2000.
At ngayon naman mayroon nang nakikitang
bakla sa New Wave Cinema. Kumpara sa
dati, iba’t iba na ang mga bading sa mga pelikula: may mga masasama at maganda,
may mga bakla na pambabae yung paggalaw, mga bakla na batak at mga iba na nasa kalagitnaan
ng espektrong ito. May mga positibong imahen, at iba namang nagiging exploitation sa tema ng seksuwalidad ng
mga bading.
Isang pelikulang indie na puwedeng
suriin dahil sa kanyang mga imahe ng mga bading ay ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa. Ang tema ng pagpapakita nito ng
itong klaseng kasarian ay nakikita sa mga motibasyon ng mga tauhan, dahil
mayroon ring paglalarawan ng mga temang peminista sa pelikulang ito.
Ang pangunahing tauhan, si Marlon, ay
sumali sa dance class ng kanyang guro
sa literatura dahil may gusto siya sa kanya at hindi siya magaling sa pagsuri
ng mga peministang tula ni Mam Karen. Ito ang pangyayari na nagbigay ng
oportunidad ng kanyang kaklaseng si Dennis na mag-usap, at para turuan ni
Dennis si Marlon tungkol sa sayaw. Ang mga gabing tinuturan siya ni Dennis ay
kung paano lumalim pa ang kanilang pagkakaibigan, at itong pagkakasunod-sunod
ng mga pangyayari ay ang sentro ng pagsimula at paglalim ng conflict ng kuwento. Noong malaman ni
Mam Karen ang totoong dahilan ng pagsali ni Marlon sa dance class niya,
inasahan niya na mas nais ni Marlon na manatili sa pagsayaw dahil gusto niya
ang sining nito, at hindi lamang dahil sa pagkahikbang ni Marlon sa kanya.
Dito nakikita naman ang character conflict ni Karen kung saan isa
siyang babae na walang asawa at pinipili niya ang isang buhay na puno ng sining
ng sayaw at tula, at habang nakikita rin niya ang damdamin ni Dennis para kay
Marlon.
Habang tumatagal ang pelikula, ang mga
damdamin ng dalawa sa isa’t isa ay nakikita sa ekspresyon ng mga sayaw sa
pelikula hanggang sa pangalawang bahagi ng kuwento kung saang naging bida si
Dennis at Marlon ng epikong Humadapnon. Kahit ang epikong ito ay parelalismo kina
Dennis at Marlon: dahil inililigtas ni Sunmasakay[ang papel ni Dennis sa epiko]
si Humadapnon[Marlon] sa isang kuweba ng mga babae. Nakikita ang metaporang ito
sa sayaw ni Marlon at Karen sa huli kung saang sinabi ni Marlon na hindi niya
maintindihan ang mga tula ni Mam Karen, pero sinabi niya na naiintindihan niya
at ayaw niya lang itong tanggapin. Pagkatapos nito, nilipat ni Karen si Marlon
kay Dennis sa pagsayaw nila, at nagbago ang eksena sa kung saan nasa tanghalan
na sila para sa pagganap nila nitong epiko.
Ang mga conflict at motibasyon ng mga
tauhang ito ay kung saan nakikita ang pagsusuri ng kasarian dito: ang mga
damdamin ni Marlon kay Dennis na hindi sigurado hanggang sa dulo, at kung paano
palaging pinapakita ang koneksyon ng dalawa sa pamamagitan ng sining. Para sa
akin, ang paggamit nitong pelikulang ito ng mga sining para ipakita ang
relasyon nina Dennis at Marlon ay ang nagpapatulong sa pagpapakita sa kanila na
tao rin, at hindi lamang ang paggiging bading ang pokus nito para mas
nakakaaliw o mas magiging popular, kundi ang tensyon ng pag-ibig. Imbis na sa
mga aksyon o pagkilos nila ang pagkabading nila, para sa relayson at desisyon
na umibig ng parehong kasarian ang tema dito.
Isang pagkakaiba ito sa isa pang
pelikulang Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros. Dito naman, nakikita
kaagad ang pagkabading ni Maximo sa kanyang mga kilos at pagsalita. Kaya lang,
hindi ito ang sentrong conflict ng
kuwento dahil kompurtable si Maxi sa kanyang pagiging bading, at walang away
tungkol dito sa kanyang problema.
Ang pangunahing problema sa pelikula ay
nagsimulang umibig sa isang pulis na si Victor. Ang problema dito ay dahil sa
kanyang pamilyang gumagawa ng krimen. Pero kahit hanggang sa dulo ng pelikula,
hindi sinasabi kung ano talaga ang seksuwalidad ni Victor, at nananatili itong tago.
Nakakadagdag ito kung paano pinapakita ng pelikula na ang pokus ng buhay ng mga
tauhan ay hindi sa kakaiba nitong relayson nina Victor at Maxi, kundi sa
pamilya ni Maxi na mga criminal at ang trabaho ni Victor na kailangan niyang hulihin
sila, hanggang sa dulo kung saang namatay ang ama ni Maximo.
Pagkatapos nito, makikita sa dulo na
dinaanan lamang ni Maxi si Victor at huminto lamang bago tumuloy at tuluyang
umalis. Ito ang pagpapakita ng pagkatanda na ni Maximo na ibang-iba sa
pagka-inosente lamang niya sa simula ng pelikula dahil sa lahat ng pinagdaanan.
Itong imahen ng “pagdadalaga” ay nakita rin sa mas maagang bahagi ng pelikula
kung saan malapit ng kunin siya ng dalawang lalaki na gusto siyang abusuhin
bago siya niligtas ni Victor at sinimulan ito ang nais ni Maximo na maging mas
mabuti sa buhay niya.
Kadalasang makikita na tinutupad ni
Maximo ang mga gender role ng isang
babae, at wala na rin ang ina ng kanilang pamilya kaya si Maxi ang gumagawa ng
mga labahan at ang nagluluto sa bahay at pinagtatawan rin siya ng mga
kapit-bahay dahil sa kanyang baklang personalidad. Pero kahit itong tipikal
imahen ng bading ang ginamit sa pelikulang ito, hindi ito ginamit bilang
pagpapakita ng problema ng mga kilos ito, kundi isang aspeto lamang tungkol kay
Maximo: na ang mas tunay na aspeto ng tauhan niya ay ang isang loobang labanan sa
pagitan ng kanyang obligasyon sa pamilya niya at ang natutunan niya sa pagkahumaling
niya kay Victor na maging mas mabuting tao.
Sa mga tauhang ito, masasabi ko na
hindi sila exploitation kundi liberation ng mga larawan ng mga bakla
sa dalawang pelikula. Kahit iba o ang stereotype ang unang makikita sa kasarian
nila. May mga iba’t ibang aspeto sa kanila para nagiging mas representibo sila
sa isyung hinaharap ng mga bakla ngayon. Nais nilang ibahin ang tingin sa
kanila, hindi bilang bakla, kundi isa ring tao na hindi masyadong iba ang
pinagdadaanang problem sa taong heteroseksuwal.