Friday, December 7, 2012

Cookies

nomnomnom
Chips Ahoy! Chocolate Chip Cookies

                 Isang karaniwang makikita sa mga mesa kapag pasko ng isang plato nito at may kasama ring gatas. Sa mga pelikula at sa telebisyon, nakikita rin ang mga bagong gawa na linalabas sa oben. Puno ng amo ang kusina kapag bagong gawa sa isang bahay – isa itong plato ng mga chocolate chip cookies. Bilog ang kanilang pagka-anyo. Pag tinignan mo ng mabuti, makikita rin na hindi makinis ito, at maraming biyak. Meron ring mga maliliit na piraso ng tsokolate na nakakalat at inilagay sa loob nito.

                Dahil hindi siya ganoong kalaki, madali siyang kunin sa plato at simulang kainin. Pagkagat mo, nararamdaman mo na nadudurog ang cookie sa loob ng bibig mo. Magiging parang pulbos ito, habang natutunaw ang mga pirasong tsokolate sa dila mo. Pagkatagal mo sa pagkain nito, magiging malagkit narin bago dumulas ito sa lalamunan na papunta sa tiyan.

                Mahilig ang mga tao sa lasa nitong matamis na hindi nakakasuya. Ang na-uunang lasa ay ang dough ng cookie, na may kaunting tamis at malalasahan na parang tinapay ang pampaalsa at harina na ginamit para dito. Pero pagkatapos nito, ang nangingibabaw na lasa ay ang lasa ng tsokolate. Hindi niya pinupuno ang bibig mo dahil maliit lang siya – pero dahil iba ito sa lasa ng dough na sa ngayong lumalagkit na sa dila mo, nasa isang particular na lugar ang lasa ng tsokolate. Dahil sa mga proporsyon ng dough at ng mga tsokolate, nababalanse ang paghalo ng parehong lasang ito.

                Mula pa nang bata ako, mahilig na ako sa mga cookies. Ibinabaon ko palagi sa eskuwelahan para sa recess, at kinakain ko kapag merienda sa bahay kapag walang pasok sa araw na iyon. At marami rin akong ala-ala na nakakabit sa mga ito.

                Noong tag-araw ng taong 2010, may isang nangyari sa buhay ko na hindi ko makakalimutan. Nakakilala ako ng isang kaibigan, at hanggang ngayon isa siya na pinaka-importante kong kaibigan. Mahaba ang kuwento kung paano ito nangyari, at ang mga nangyari pagkatapos dito. Pero naalala ko ang iba sa mga una naming usapan sa Yahoo! Messenger.

                Sinabi ko na isa akong ninja. Napatawa siya, pero nakisali rin siya. Sinabi niya isa siyang sundalo. Noong araw na iyon, nagkukunwari kaming naglalaban sa Y!M, pero ang mga gamit ko na parang ang throwing stars ng mga ninja ay cookies. Mula noon, ang isa kong palayaw sa kanya ang “The Cookie Ninja.”

                Ayaw kong masyadong magbigay ng detalye – pero nag-ibigan rin kami. Umabot ng isang taon at tatlong buwan. Noong kami pa rin, sumulat siya tungkol sa akin para sa isang sanaysay sa klase ng Ingles. At “The Cookie Ninja” ang pamagat nito. At kahit tapos na ang nangyari sa amin, importante parin sa akin ang itong palayaw dahil noong tag-araw na iyon, marami akong natuto tungkol sa aking sarili, at ang aking mga pangarap. Noong una, masakit nung tinapos namin ang relasyon, pero natutunan rin akong tumayo sa aking sariling mga paa. At nakatulong rin ang pagkain ng mga cookies sa mga gabi nung naalala ko ang mga nangyari. Pero pinili ko na sa akin parin ang tawag ng mga tao na “The Cookie Ninja.” Dahil galing sa akin ang aking identidad – hindi galing sa isang relasyon.

                Kung gayon, gusto ko ang cookies kasi nararamdaman ko na may magkapareho ako dito – isang hindi organisado sa pagkalat ng mga tsokalete, isang taong may mga biyak rin dahil hindi perpekto, at maari ring madurog – pero sa kabuuan, masarap parin sila. At masarap rin ito kapag may kasamang gatas – pero hindi naman sa gatas ang dahilan kung bakit mahilig paring kainin ito ng mga tao.

                Gusto ko ang cookies dahil ako ay isang cookie ninja.