Sunday, February 24, 2013

Si Labaw

Noong araw na pinanood namin ang dulang Labaw Donggon, wala akong masyadong inaasahan dahil wala akong masyadong narinig tungkol dito at sa kuwento niya. Ang iniisip ko lang noon ay sana nagdala ako ng dyaket dahil nalaman ko lang nung araw na iyon na nasa labas lang iyong dula.

Ang una kong impresyon sa dula ay kaunting pagkagulat sa kaibigan ni Labaw Donggon dahil pinakilala niya ang kaniyang sarili bilang si Labaw, at noong oras na iyon naniwala naman ako. (Kaya sa unahan ng dula medyo naguluhan ako kung sino talaga si Labaw Donggon) Napasigla niya ang pag-intay bago magsimula talaga ang kuwento, at hindi ko masyadong napinsin na gutom ako nung gabing iyon dahil hindi pa ako nakapag-hapunan.

Napakaganda ng presentasyon ng dula. Ang mga props at kasuotan ng mga tauhan ay nakapag-gawa ng kakaibang atmospera at parang angkop talaga sa tagpuan ang mga ito. Naramdaman ko talaga ang paghahakot na napadala ako sa ibang lugar at panahon dahil sa stage presentation nila. Para sa akin, dito talaga ang lakas ng dulang Labaw Donggon.

Ang isa pa na nagustuhan ko ay ang musika. Ang paghalo nila ng katutubong tunog at mga modernong instrumenta kagaya ng electric guitar ay gumawa ng mga nakakaibang pakiramdam para sa mga sitwasyon. Isa dito ang musika sa unang labanan ng Aswang at ni Labaw Donggon. Nakapupukaw ang eksenang ito dahil sa choreography at dahil sa paggamit ng gitara para mas nakakabahan ang mga nanonood para kay Labaw.

Kaya lang, mayroon ring mga kahinaan ang dula, at dito ang kuwento nito at ang mga tauhan. Ang tauhan ni Labaw ay mababaw sa kanyang paghanap ng mga babae at paulit-ulit lang ang mga ginagawa niya na may kaunting kaibahan lamang tulad ng sinong nilalaban niya. Alam ko naman na hindi sa "moral lesson" ang mga kuwento, pero para sa aking napakababaw ng paningin nito sa mundo at parang wala akong nakitang kakaibang perskeptibo o naranasan dahil sa dulang ito.

Mas nagustuhan ko ng kaunti ito noong nalaman ko isa itong epiko, dahil ganito naman ang mga istruktura ng mga epikong tagalog, at nung pinaliwanag sa aking ng isa kong kaibigan ang mga simbolismo da dula kagaya ng tatlong babaeng Luzon, Visayas at Mindanao. Nakita ko kung bakit importante na masama silang lahat ni Labaw Donggon. Dito ko medyo naintidihan ang nais ng kuwentong ito, pero hanggang ngayon hindi ko pa rin masyadong masabi na nagustuhan ko ang kuwento niya.

Pero maliban dito, masaya naman ako na nakaranas ako ng isa pang Pilipinong dula kagaya ng Sintang Dalisay na naponood ko noong unang semestre. Isa siyang sining na hanggang ngayon nandito pa at nakikita talaga ang kultura ng Pilipinas, at pinahalagaan kong nakakita ako nito dahil inaamin kong hindi ako madalas na nanonood ng mga sining Pilipino.

Saturday, February 16, 2013

Ang Problema ng Wika


Buong buhay ko, naranasan ko yung problema na hindi ako masyadong marunong kung paano i-ekspres ang aking mga ideya sa wikang Filipino. Noong bata pa ako, gusto ng mga magulang ko na magaling ako mag-Ingles(kahit hindi rin naman sila masyadong nagsasalita sa wikang Ingles, at kadalasang kinakausap ako ng tagalog), kaya hindi ako masyadong naturuan ng mabuti sa wika. Dito nagsimula ang aking habang-buhay na labanan na matutunan kung paano sabihin ang aking mga gustong sabihin sa wikang ito.

Sa mga klase ng Filipino, nahirapan ako sa mga pagbasa at pagsulat. Gusto ko sanang malaman kung paano basahin ang mga manunulat na Pilipino at ang kanilang mga kuwento, pero ang laki ng pagsisikap ko sa pagbasa lamang ng isang pahina ng Tagalog na napagod ako sa pagbasa, pag-translate, at pagkaintindi rito, na sobrang bagal ko kumpara sa iba. Sa pagsulat naman, kadalasan alam ko ang mga sagot na gusto kong iparating sa aking mga papel. Naka-outline ang aking mga ideya sa aking utak, at kung ano ang gusto kong makuhang epekto sa mga mambabasa. Ang problema ko lang ay kapag nagsimula na ako sa pagsulat – dahil pagpupunyagian ko ang paghanap ng mga salita o kung paano sabihin ang isang pangungusap na klarong klaro para sa akin sa Ingles. Dahil dito, kadalasan ang gagawin ko ay ibahin nalang ang ideya ko para lamang masabi ko ito ng maayos sa aking mga papel. At palagi akong takot na iniisip ng aking guro na tanga ako dahil hindi klaro ang sinasabi ko o masyado nang naging simple ang sagot sa mga sanaysay ko.

            Naapektuhan ako dito sa aking pagiging estudyante sa Miriam, dahil mayroong pagka-husga sa mga taong nagsasalita ng diretsyong Ingles dahil iniisip na maarte o mayabang. O kaya minsan pinagtatawan nila ang aking pagsalita sa Tagalog dahil pahinto-hinto at may accent ito. Pero hindi dahil iniisip ko na mas mataas yung wikang Ingles – gusto ko silang pareho. Ang problem ko ay ito lang talaga ang wika kung saan kumportable ako at nakakapag-sabi ng kung ano yung ibig-sabihin ko. Kaya ang resulta nito ay ang mga kaibigan ko rin ay iyong mga kumportable ring kausapin ako sa Ingles dahil nakakapag-usap kami at nagkakaintindihan.

            Ayaw kong isipin ng mga taong elitista ako dahil Ingles ang una kong wika. Sa totoo lang, para sa akin napaka-ganda ng wikang Tagalog. Para siyang isang wika na ginawa para sa mga makata – dahil punong puno ito ng mga damdamin. Noong pinag-usapan namin ng isa kong kaibigan na nahihirapan rin mag-tagalog, nag-sumang-ayon kami na nakakainis na hindi kami magaling sa wikang ito, kasi sa dila ng isang maestro ng Filipino, napaka-angkop ang mga salita para sa emosyon at palaging mas malaki ang epekto. Mas nailalabas ang galit sa isang tao sa paggamit ng “putang ina mo” kesa sa “fuck you.” At parang mas tapat ang damdamin ng isang tao kapag sinasabi nila sa isang tao ang “mahal kita” kaysa sa “I love you.” Naalala ko rin ang tuwa ko noong may nagsabi sa akin ng obserbasyon na sa wikang Tagalog, walang hiwalay na panghalip para sa mga babae at lalaki. At ang katumbas ng mga Ingles na salitang “friend” at “lover” ay pareho lamang sa Pilipino – iba lang sila sa kung paano mo sinasabi ito.

Bilang isang taong gusto maging manunulat at dating debater, alam ko ang kapangyarihan ng mga salita. Minsan nga, nagiging isang hadlang ang mga salita imbis na tulay ng mga ideya at damdamin ng tao. Marami ring taong nagsisinungaling gamit ang mga salita. Kahit may kapangyarihan itong ipakita ang isang kultura- minsan may mga salita na nasa isang wika lamang at hindi sa isa, [Walang Ingles ng salitang gigil o kilig], mayroon pa ring mga taong hindi pa rin alam kung paano i-ekspres ang kanilang sarili kahit sa sariling unang wika. O kaya kapag napaka-takot ang isang tao at hindi alam kung anong sasabihin, hindi sapat ang isang wika. Sa mga iba’t ibang sitwasyon na ito lumalabas ang kakulangan ng mga salita. Lalong lalo na sa mga language barriers. Kung may dalawang taong napaka-iba ng wika na ginagamit, napakahirap ang komunikasyon dito. Baka hindi nila maintidihan ang isa’t isa.

Ang isang sikat na kasabihan ay “actions speak louder than words.” At totoo ito. Kasi kung titignan mo kung paano talaga nagkakaintidihan ang tao, kadalasang mas marami pa ang iniitindihan bago ang mga salita. Kung ngumiti ang isang tao, hindi niya naman kailangan sabihin sa napakaraming wika bago maintindihan ng iba’t ibang tao na masaya siya. Ibig-sabihin ng isang yakap ay ang pagkakaibigan. Napaka-taas minsan ang binibigay na kahalagahan ng mga tao sa salita na nakakalimutan nila na napakaraming iba pang pagpapakita ng mga tao kung ano ang ibig sabihin nila. Kung saan nagkukulang ang mga salita, lumalabas pa rin ang mga pagkatao nila dahil palaging naipapakita ng mga tao ang ibig-sabihin o damdamin nila kahit hindi sila malay dito.

Posibleng maunawaan ang isang tao lampas pa sa kanilang mga wika at salita.

Ang Imposibleng Pangarap


Noong bata ako, marami akong mga pangarap na gustong matamo. Nag-iba ito bawat araw. Ganoon kasi ako dati, isang bata na hindi pa rin sigurado kung ano talaga yung gusto. Sa bawat libro na binabasa ko, nabago ang pangarap ko base sa kung ano yung nabasa ko noong araw o linggo na iyon. Ang isa sa mga libro na nag-iwan ng impresyon sa akin ay yung The Little Prince. Hanggang ngayon, isa pa rin ito sa pinakapaborito kong kuwento, at dito nagsimula ang aking pangarap na maging isang piloto. Ito yung isa sa gusto ko maging paglaki ko na nagtaggal sa isip ko. Kaya lang, nasira yung pangarap na ito noong nalaman kong kailangan maganda yung paningin para lumipad ng mga eroplano. Mayroon kasi akong salamin.

Importante yung imahen ng paglipad para sa akin. Ito yung isang larawan na nagbibigay ng pakiramdam na malaya ako – minsan naiisip kong isang problema ang paglaki ko na sheltered; hindi ako pinayagang magcommute at hindi rin ako natutunang magluto, maglinis, o maglaba. Sa isip ko, hindi ako tatagal sa totoong mundo dahil dito. Kaya kapag iniisip ko ang piloto, naiisip ko ang isang tao na nakatakas sa paghila ng grabidad, ng isang taong nakaabot ng langit.

Ang isa pang dahilan na gusto ko yung pagiging piloto at ang paglipad ay dahil alam ko ang limitasyon ng pagiging maliit. Maraming lugar ay hindi ko abot dahil masyado silang mataas, at paligi kong gustong isipin na kung may malakas na kalooban na gustong makuha ang isang bagay, walang limitasyon ang puwedeng huminto sa iyo. Ganito kasi ang tao minsan: napaka-tigas ng ulo, at minsan ayaw pakinggan na may mga bagay na imposible lang talaga. Ang mga nangyayari dahil sa katangiang ito ay minsan nakakagulat- at nakakatuwa. 

Sa kasaysayan natin, hindi naman inisip ng mga tao na posible palang maimbento ang eroplano, o magkailaw sa gabi gamit ang mga lightbulb, o mangyayari ang internet kung saan makakausap mo ang isang taong nasa kabilang dulo ng mundo. Ito ay ang mga ebidensya kung paano tuloy-tuloy ang mga supresa na nagagawa ng mga tao at binabago ang ibig-sabihin ng mga limitasyon at kung ano ang imposible. Kaya para sa akin, kahit nag-iba na ang aking pangarap dahil sa aking pagkalaki(ngayon, gusto ko na maging isang manunulat), nananatili sa aking isipan ang dati kong pangarap na maging piloto at lumipad sa langit – kahit hindi na 20/20 ang paningin ko.