Noong
bata ako, marami akong mga pangarap na gustong matamo. Nag-iba ito bawat araw.
Ganoon kasi ako dati, isang bata na hindi pa rin sigurado kung ano talaga yung
gusto. Sa bawat libro na binabasa ko, nabago ang pangarap ko base sa kung ano
yung nabasa ko noong araw o linggo na iyon. Ang isa sa mga libro na nag-iwan ng
impresyon sa akin ay yung The Little
Prince. Hanggang ngayon, isa pa rin ito sa pinakapaborito kong kuwento, at dito
nagsimula ang aking pangarap na maging isang piloto. Ito yung isa sa gusto ko
maging paglaki ko na nagtaggal sa isip ko. Kaya lang, nasira yung pangarap na
ito noong nalaman kong kailangan maganda yung paningin para lumipad ng mga
eroplano. Mayroon kasi akong salamin.
Importante
yung imahen ng paglipad para sa akin. Ito yung isang larawan na nagbibigay ng
pakiramdam na malaya ako – minsan naiisip kong isang problema ang paglaki ko na
sheltered; hindi ako pinayagang
magcommute at hindi rin ako natutunang magluto, maglinis, o maglaba. Sa isip
ko, hindi ako tatagal sa totoong mundo dahil dito. Kaya kapag iniisip ko ang
piloto, naiisip ko ang isang tao na nakatakas sa paghila ng grabidad, ng isang
taong nakaabot ng langit.
Ang
isa pang dahilan na gusto ko yung pagiging piloto at ang paglipad ay dahil alam
ko ang limitasyon ng pagiging maliit. Maraming lugar ay hindi ko abot dahil
masyado silang mataas, at paligi kong gustong isipin na kung may malakas na
kalooban na gustong makuha ang isang bagay, walang limitasyon ang puwedeng
huminto sa iyo. Ganito kasi ang tao minsan: napaka-tigas ng ulo, at minsan ayaw
pakinggan na may mga bagay na imposible lang talaga. Ang mga nangyayari dahil
sa katangiang ito ay minsan nakakagulat- at nakakatuwa.
Sa kasaysayan natin,
hindi naman inisip ng mga tao na posible palang maimbento ang eroplano, o
magkailaw sa gabi gamit ang mga lightbulb, o mangyayari ang internet kung saan
makakausap mo ang isang taong nasa kabilang dulo ng mundo. Ito ay ang mga
ebidensya kung paano tuloy-tuloy ang mga supresa na nagagawa ng mga tao at
binabago ang ibig-sabihin ng mga limitasyon at kung ano ang imposible. Kaya
para sa akin, kahit nag-iba na ang aking pangarap dahil sa aking
pagkalaki(ngayon, gusto ko na maging isang manunulat), nananatili sa aking
isipan ang dati kong pangarap na maging piloto at lumipad sa langit – kahit hindi
na 20/20 ang paningin ko.
No comments:
Post a Comment