Saturday, February 16, 2013

Ang Problema ng Wika


Buong buhay ko, naranasan ko yung problema na hindi ako masyadong marunong kung paano i-ekspres ang aking mga ideya sa wikang Filipino. Noong bata pa ako, gusto ng mga magulang ko na magaling ako mag-Ingles(kahit hindi rin naman sila masyadong nagsasalita sa wikang Ingles, at kadalasang kinakausap ako ng tagalog), kaya hindi ako masyadong naturuan ng mabuti sa wika. Dito nagsimula ang aking habang-buhay na labanan na matutunan kung paano sabihin ang aking mga gustong sabihin sa wikang ito.

Sa mga klase ng Filipino, nahirapan ako sa mga pagbasa at pagsulat. Gusto ko sanang malaman kung paano basahin ang mga manunulat na Pilipino at ang kanilang mga kuwento, pero ang laki ng pagsisikap ko sa pagbasa lamang ng isang pahina ng Tagalog na napagod ako sa pagbasa, pag-translate, at pagkaintindi rito, na sobrang bagal ko kumpara sa iba. Sa pagsulat naman, kadalasan alam ko ang mga sagot na gusto kong iparating sa aking mga papel. Naka-outline ang aking mga ideya sa aking utak, at kung ano ang gusto kong makuhang epekto sa mga mambabasa. Ang problema ko lang ay kapag nagsimula na ako sa pagsulat – dahil pagpupunyagian ko ang paghanap ng mga salita o kung paano sabihin ang isang pangungusap na klarong klaro para sa akin sa Ingles. Dahil dito, kadalasan ang gagawin ko ay ibahin nalang ang ideya ko para lamang masabi ko ito ng maayos sa aking mga papel. At palagi akong takot na iniisip ng aking guro na tanga ako dahil hindi klaro ang sinasabi ko o masyado nang naging simple ang sagot sa mga sanaysay ko.

            Naapektuhan ako dito sa aking pagiging estudyante sa Miriam, dahil mayroong pagka-husga sa mga taong nagsasalita ng diretsyong Ingles dahil iniisip na maarte o mayabang. O kaya minsan pinagtatawan nila ang aking pagsalita sa Tagalog dahil pahinto-hinto at may accent ito. Pero hindi dahil iniisip ko na mas mataas yung wikang Ingles – gusto ko silang pareho. Ang problem ko ay ito lang talaga ang wika kung saan kumportable ako at nakakapag-sabi ng kung ano yung ibig-sabihin ko. Kaya ang resulta nito ay ang mga kaibigan ko rin ay iyong mga kumportable ring kausapin ako sa Ingles dahil nakakapag-usap kami at nagkakaintindihan.

            Ayaw kong isipin ng mga taong elitista ako dahil Ingles ang una kong wika. Sa totoo lang, para sa akin napaka-ganda ng wikang Tagalog. Para siyang isang wika na ginawa para sa mga makata – dahil punong puno ito ng mga damdamin. Noong pinag-usapan namin ng isa kong kaibigan na nahihirapan rin mag-tagalog, nag-sumang-ayon kami na nakakainis na hindi kami magaling sa wikang ito, kasi sa dila ng isang maestro ng Filipino, napaka-angkop ang mga salita para sa emosyon at palaging mas malaki ang epekto. Mas nailalabas ang galit sa isang tao sa paggamit ng “putang ina mo” kesa sa “fuck you.” At parang mas tapat ang damdamin ng isang tao kapag sinasabi nila sa isang tao ang “mahal kita” kaysa sa “I love you.” Naalala ko rin ang tuwa ko noong may nagsabi sa akin ng obserbasyon na sa wikang Tagalog, walang hiwalay na panghalip para sa mga babae at lalaki. At ang katumbas ng mga Ingles na salitang “friend” at “lover” ay pareho lamang sa Pilipino – iba lang sila sa kung paano mo sinasabi ito.

Bilang isang taong gusto maging manunulat at dating debater, alam ko ang kapangyarihan ng mga salita. Minsan nga, nagiging isang hadlang ang mga salita imbis na tulay ng mga ideya at damdamin ng tao. Marami ring taong nagsisinungaling gamit ang mga salita. Kahit may kapangyarihan itong ipakita ang isang kultura- minsan may mga salita na nasa isang wika lamang at hindi sa isa, [Walang Ingles ng salitang gigil o kilig], mayroon pa ring mga taong hindi pa rin alam kung paano i-ekspres ang kanilang sarili kahit sa sariling unang wika. O kaya kapag napaka-takot ang isang tao at hindi alam kung anong sasabihin, hindi sapat ang isang wika. Sa mga iba’t ibang sitwasyon na ito lumalabas ang kakulangan ng mga salita. Lalong lalo na sa mga language barriers. Kung may dalawang taong napaka-iba ng wika na ginagamit, napakahirap ang komunikasyon dito. Baka hindi nila maintidihan ang isa’t isa.

Ang isang sikat na kasabihan ay “actions speak louder than words.” At totoo ito. Kasi kung titignan mo kung paano talaga nagkakaintidihan ang tao, kadalasang mas marami pa ang iniitindihan bago ang mga salita. Kung ngumiti ang isang tao, hindi niya naman kailangan sabihin sa napakaraming wika bago maintindihan ng iba’t ibang tao na masaya siya. Ibig-sabihin ng isang yakap ay ang pagkakaibigan. Napaka-taas minsan ang binibigay na kahalagahan ng mga tao sa salita na nakakalimutan nila na napakaraming iba pang pagpapakita ng mga tao kung ano ang ibig sabihin nila. Kung saan nagkukulang ang mga salita, lumalabas pa rin ang mga pagkatao nila dahil palaging naipapakita ng mga tao ang ibig-sabihin o damdamin nila kahit hindi sila malay dito.

Posibleng maunawaan ang isang tao lampas pa sa kanilang mga wika at salita.

1 comment:

  1. Ngunit iyo naman itong naihatid ng buong husay kaya marapat lamang na ikaw ay makatanggap ng papuri mula sa isang mamababasa. Mabuhay ka!

    ReplyDelete